1,315

By

Kotse nakaladkad ng tren: 1 patay, 1 malubha

Patay ang isang babae habang nasa malubhang kalagayan ang drayber nito matapos masalpok ng tren ang kanilang sasakyan nang subukan nilang tumawid ng riles, Sabado ng gabi sa Biñan City, Laguna.

Kinilala ni Police Col. Eleazar Matta, Laguna Police Provincial Director ang nasawing biktima na si Mary Ann Valenzuela, 21, waitress, residente ng Caloocan City.

Nasa malubhang kalagayan naman ang kasama nito na si Engineer Joel Pablo, 28, residente ng San Pedro, Laguna at siyang nagmamaneho ng Corolla Altis na nakaldkad ng tren.

Samantala, sinuko naman ng pamunuan ng Philippine National Railways (PNR) sa pulisya ang dalawang drayber ng tren na nasangkot sa aksidente na nakilalang sina Ryan Arias, 40, at Jay Constantino, 34. Nahaharap ang dalawa sa mga kasong reckless imprudence resulting to homicide at serious physical injury.

Ayon kay Matta, naganap ang insidente dakong alas-11:32 ng gabi sa PNR railroad intersection na matatagpuan sa Barangay Canlalay ng nabatid na bayan.

Isang kulay silver na Toyota Altis, lulan ang mga biktima, ang pilit na tumawid ng railroad intersection sa kabila ng paparating na PNR train, dahilan upang masalpok ng dambuhalang sasakyan ang nasabing kotse at kaladkarin ng ilang metro.

Mabilis naman ang responde ng Binan Emergency Response Unit at Bureau of Fire Protection ng Binan City, at unang hinugot sa nawasak na kotse ang babaeng biktima subalit dineklara itong dead on arrival sa pinagsugurang pagamutan.

Habang ang lalaking drayber ay naipit sa driver’s seat ang mga binti at hita at umabot pa nang walong oras bago ito natanggal sa nayuping sasakyan at naisugod sa Ospital ng Binan.

Lumalabas sa kuha ng CCTV camera ng lugar, pinilit ng drayber na si Pablo na tumawid sa riles kahit na papalapit na ang tren dahil nakalusot ang dalawa nitong sinusundang sasakyan, subalit nang sila na ang patawid ay inabot na sila ng tren at nakaladkad nang ilang metro, dahilan upang magkayupi-yupi ang sinasakyan nilang kotse.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?