118
Granada
By

Korean resto sa QC, pinasabugan

Nagulantang ang mga bystander at residente nang makarinig ng malakas na pagsabog matapos hagisan ng granada ang harapang bahagi ng isang Korean restaurant sa Quezon City nitong Huwebes ng madaling-araw.

Batay sa inisyal na report ng Kamuning Police Station 10, alas-12:40 ng madaling-araw (July 11) nang marinig ang pagsabog sa Chung Mi Rae Korean Restaurant na matatagpuan sa Scout Tuazon kanto ng Timog Avenue, South Triangle, Quezon City.

Ayon sa parking boy na si Christopher Isla, natutulog umano siya nang magising dahil sa malakas na pagsabog at doon ay isang lalaking nakasuot ng itim na t-shirt at maong pants ang nakitang naghagis ng granada sa harapan ng restaurant at mabilis na tumakas patungong Scout Madrinan.

Wala namang nasaktan sa insidente pero nasira ang dalawang bagong sasakyan na nakaparada sa lugar na isang Toyota Innova at isang Ford Explorer.

Sa pagresponde ng mga awtoridad, nabatid na MK-2 hand granade ang inihagis at pinasabog ng hindi pa nakikilalang suspek.

Agad namang pinawi ni QCPD Director PBGen. Joselito Esquivel Jr., ang pangambang may kaugnayan sa terorismo ang pangyayari.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente at kinakausap na ng mga awtoridad ang may-ari ng restaurant at kung may CCTV sa lugar.

Nasamsam sa lugar ang safety lever, striker spring at fragments mula sa pinasabog na granada.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?