249

Feb 16, 2020 @ 15:12
By

Kongreso dapat patunayang pwedeng manatili sa ere ang ABS-CBN hanggang 2022 – Poe

Hinikayat ni Senadora Grace Poe ang mga kapwa mambabatas na tiyaking na maari pang mag-operate ang ABS-CBN habang tinatalakay ng Kongreso ang franchise extension para maprotektahan ang 11,000 manggagawa na maapektuhan ng pagsasara nito.

“Kahit sabihin pa nila na pwede naman ‘yan i-extend hanggang 2022, maganda siguro kung in writing o kaya at least verbally sabihin ng Kongreso, ‘We commit to give ABS-CBN through the National Telecommunications Commission a temporary permit to operate’ kasi hindi naman ‘yan nakasulat sa batas. ‘Yan ay kortesiya lamang na ibinibigay ng Kongreso at NTC,” pahayag ni Poe.

“Hindi biro kung matigil ang operasyon dahil alam naman natin 11,000 trabaho ang apektado rito,” dagdag pa nito.

Nauna nang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na maaring pang mag-operate ang ABS-CBN kahit mapaso na ang prangkisa nito sa Marso 30 hangga’t may pending bill ito para sa extension ng kanilang prangkisa.

Naghain si Poe ng Senate Resolution 322 na nag-aatas sa Senate committee on public services na magsagawa ng pagdinig para malaman kung sumusunod ba ang ABS-CBN sa termino ng kanilang prangkisa.

Pitong senador ang sumuporta sa resolusyon. Sabi ni Poe ang gagawing pagdinig ay makakatulong sa mga senador sa kanilang magiging pagpapasya kapag nasiumite na ang franchise bill at mapagdebetahan na sa Senado.

Sa ngayon, hindi pa sinisimulan sa Kamara ang deliberasyon ng franchise application ng ABS-CBN.

Sabi ni Poe, ang pagdinig ng Senado ay nakatuon sa diumano’y paglabag ng network. Lahat ng partido na bibigyan ng oportunidad na mailahad ang kanilang panig para malaman ng tao ang totoong isyu.

“Walang perpekto. Ako ang isip ko diyan ay bukas dahil maraming nag-a-apply ng prangkisa, wala namang perpekto,” sabi ni Poe.

“Walang duda na may serbisyong ibinibigay ang network ng ABS-CBN pero ito timbangin natin—ang serbisyo ba na ibinibigay ng ABS-CBN ay akma o kayang isantabi ang mga kakulangan nito,” lahad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?