157
naia
By

Kongresista pinigil sa NAIA dahil sa bomb joke

Hinarang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang isang party-list representative dahil sa pagsambit nito ng bomb joke.

Ayon kay Maj. Querico Tomotorgo, hepe ng Philippine National Police Aviation Station 2, pinigil si APEC Rep. Sergio Dagooc ng mga awtoridad ng airport bago ang flight niya patungong Cagayan de Oro noong Huwebes ng hapon.

Ani Tomotorgo sa interview sa dzbb, tinanong ang kongresista kung ano ang laman ng luggage nito at sumagot ito ng damit.

Nang tanungin muli siya ng duty passenger service agent kung ano pang iba ay sumagot umano si Dagooc ng: “bomba”.

Ini-report ito ng service agent sa supervisor at security commander ng terminal, na siyang nagdala kay Dagooc sa NAIA Terminal 2 police station.

Nang pigilin dito si Dagooc, hinarap ng kanyang abogado ang airport authorities at ipinunto ang Article 6 Section 11 ng Konstitusyon na nagsasabing ang mga miyembro ng Kongreso na nahaharap sa alegasyon ng krimen na hindi punishable ng mahigit anim na taong pagkakakulong ay hindi maaaring arestuhin habang nasa sesyon ang Kongreso.

Kaya pinakawalan ang mambabatas dahil may parusa lang ang bomb joke ng limang taong pagkakulong at multang P40,000. (IS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?