150

By

Killer bus sa NLEX, sinuspinde ng LTFRB

Pinatawan ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra ng preventive suspension ang Buenasher Transport Corporation, na operator ng bus na sangkot sa aksidente nitong Biyernes ng gabi (June 28) sa North Luzon Expressway (NLEX) Valenzuela City, kung saan walo ang iniulat na namatay habang 12 ang sugatan.

Batay sa ipinalabas na notice ng LTFRB, binigyan ng preventive suspension ang naturang bus company kasunod ang masusing imbestigasyon kung nagkaroon ng kapabayaan sa mga nangangasiwa nito.

Kasabay nito ay inatasan din ni Delgra ang insurance company ng bus na iproseso ang insurance benefits ng mga biktima.

Nahaharap naman sa kanselasyon o pagbawi ng kanilang prangkisa dulot ng insidente habang inatasan na ng LTFRB ang management ng kompanya na dalhin ang lahat ng kanilang mga unit sa Land Transaportation Office (LTO) Motor Vehicle Inspection para isailalim ang mga ito sa road safety inspection.

Pinapasailalim din ng LTO ang lahat ng drivers at konduktor ng bus company sa drug testing, medical, actual driving at written examinations.

Nakatakda namang kasuhan ng reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries at damage to property ang driver ng bus na sangkot sa aksidente

Sa ulat, sinabi ng mga nakaligtas na pasahero na mabilis ang pagpapatakbo ng bus driver kaya tumagilid ang kanilang sasakyan at dahil sa lakas ng impact ng pagtama nito sa likurang bahagi ng SUV na nagbagal naman ng pagpapatakbo dahil sa dulas ng kalsada bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Kasalukuyan pang ginagamot sa mga kalapit na ospital ang bus driver at mga pasahero niyang sugatan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?