36

By

Kilabot na holdaper timbog sa Pasay

Naaresto ng mga awtoridad ang isang kilabot na holdaper na armado ng granada at balisong matapos niyang biktimahin ang isang kagawad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kagabi sa Pasay City.

Hindi na nakapalag si Marvin Amparo, 27, walang hanapbuhay at nakatira sa Lapu-Lapu St. sa Baclaran, Paranaque nang arestuhin siya ng mga tauhan ng Pasay Police Community Precinct (PCP) 1 makaraang positibong kilalanin ni JO1 Angelo Badong, 31, nakatalaga sa Paranaque City Jail.

Batay sa pahayag ng biktima kay Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, naglalakad siya sa kahabaan ng Atang Dela Rama St. Barangay 76 Zone 10 dakong alas-6:20 ng gabi nang bigla siyang tutukan ng patalim ng suspek.

Puwersahan umanong kinuha ni Amparo ang cellphone ng biktima bago tumakas patungo sa eskinita ng Atang Dela Rama.

Humingi naman kaagad ng tulong si Badong sa mga tauhan ng PCP-1 na kaagad nagsagawa ng follow-up operation sa lugar.

Natiyempuhan naman ng mga awtoridad ang suspek habang nag-aabang na muli ng mabibiktima sa Atang Dela Rama St. kaya’t kaagad siyang dinakip.

Nang kapkapan, isang granada at balisong ang nakumpiska sa kanya subalit wala na ang cellphone ng biktima.

Sa ngayon ay nakakulong ang suspek sa detention cell ng PCP-1 at sasampahan ng kaukulang kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?