16
illegal-recruiter
By

Kelot nagkunwaring Manila Water employee, buking sa droga

Isang lalaki na nagpanggap na empleyado ng Manila Water ang naaresto at nakumpiskahan pa ng droga sa Makati City.

Dahil dito, nanawagan naman ang pamunuan ng Manila Water sa publiko lalo na sa kanilang mga kustomer na mag-ingat dahil mayroon mga nagpapanggap na empleyado o tauhan na nag-aalok ng koneksyon ng tubig.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Jaymar Reyes Jr., 39, binata, walang trabaho at nakatira sa No. 2281 San Andres Bukid, Road 15, Agosto Francisco, Maynila.

Sa ulat ng Makati City Police, dakong alas-11:00 ng umaga nang unang dumulog sa kanila si Jay Wong, 31, Business Zone Manager ng Manila Water, at iniulat ang namonitor nilang pag-iikot ng isang lalaki na iligal nananiningil ng pera para sa iniaalok na pagkabit ng linya ng tubig.

Agad na umaksyon ang mga pulis na rumesponde sa Montojo St. kasama si Wong kung saan naispatan ang suspek.

Nang makita ng suspek ang mga pulis ay nagtatakbo ito kaya nagkaroon ng habulan hangang sa makorner si Reyes.

Dito nadiskubre sa kanyang posesyon ang dalawang identification card (ID) ng Manila Water na may pekeng mga pangalan.

Bukod pa dito, nakuha rin sa kanya ang isang maliit na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Dahil dito agad na dinala ang nasabing suspek sa naturang himpilan ng pulisya upang isailalim sa masusing imbestigasyon.

Sa ngayon ay nakakulong sa Makati City Police Custodial Center ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code o Falsification of Documents at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?