137

By

Kelot nag-withdraw ng pang-birthday ng ina, todas sa holdaper

Hindi na natuloy ang masaya sanang selebrasyon ng kaarawan ng kanyang ina matapos barilin at mapatay ng mga holdaper ang isang checker at tangayin ang perang winithdraw nito sa bangko na pambili ng handa sa Quezon City, Huwebes ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Rogelio Maliglig Lopez, 41, binata, checker ng Zenco Sales Inc. at residente ng Brgy. Baesa, QC.

Sa inisyal na report sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang insidente ay naganap dakong alas-5:00 ng umaga (December 5), sa harap ng Metrobank na matatagpuan sa Quirino Hi-way ng parehong barangay.

Inutusan umano ang biktima ng kanyang ina na i-withdraw ang buwanang pensyon nitong nagkakahalaga ng P11,000 upang gamitin na panghanda ng huli sa kanyang kaarawan ngayong Disyembre 5.

Nang ma-withdraw ng biktima ang nasabing halaga sa bangko at pauwi na ito ay bigla itong hinarang ng dalawang di-kilalang lalaki na magka-angkas sa motorsiklo, tinutukan ng baril ng suspek at nagpahayag ng holdap.

Nagtangkang tumakbo ang biktima subalit mabilis na bumaba ang isa sa mga holdaper hanggang magpambuno ang dalawa.

Dito ay bumunot na ng baril ang holdaper at binaril ang biktima saka nilimas ang nasabing halaga at agad na tumakas.

Sinugod pa ang biktima sa Quezon City General Hospital subalit dineklara itong dead-on-arrival dakong alas-6:45 ng umaga ni Dr. Abdulazziz Macala.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?