14

By

Kelot huli sa droga habang naglalaro sa com shop

Nabitin sa laro ang isang 24-anyos na lalaki matapos damputin sa loob ng computer shop habang nago-online game sa isang computer shop sa Barangay Malanday, Marikina City.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ni Eastern Police Distirct (EPD) Director PCSupt. Christopher Tambungan, nakilala ang suspek na si Robert Yaguel, 24-anyos, residente ng Kasoy St. Barangay Malanday, Marikina City.

Ayon kay Insp. Greco Gonzales, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), isinagawa ang buy-bust operation bandang 5:15 Huwebes ng hapon sa Camia St. Barangay Malanday, matapso makatanggap ng tip kaugnay sa talamak na bentahan ng droga na kinasasangkutan ng suspek.

Isang pulis ang umaktong buyer at nakipagtransaksyon sa suspek para makabili ng shabu. Nagkasundo naman ang dalawa at sinabing magkita sila loob ng computer shop na kung saan ay doon niya ibibigay ang droga.

Agad na dinampot ang suspek hawak ang narekober na tatlong sachet na naglalaman ng shabu at P500 buy-bust money.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Marikina PNP detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?