208

By

Kaso ni Trillanes, nai-raffle na sa Korte Suprema

Nai-raffle na ang petisyong inihain ni Senador Antonio Trillanes IV na kumukuwestiyon sa pagpapawalang bisa ni Pangulong Duterte sa kanyang amnestiya.

Ang kaso ay napunta kay Supreme Court Justice Diosdado Peralta.

Nabatid na nagdaos ang Korte Suprema ng special raffle kasunod ng urgent petition na inihain ni Trillanes.

Inaasahang bibigyang prayoridad sa kaso ang hiling ni Trillanes na magpalabas ng temporary restraining order laban sa pagpapatupad ng Proclamation Number 572.

Hiniling din ng senador na ideklara ng Kataas-taasang Hukuman na “null and void ab initio” ang Proclamation No. 572.

Pinangalanang respondent sa petisyon sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Defense Secretary Delfin Lorenzana, DILG Secretary Eduardo Ano, Justice Secretary Menardo Guevarra, AFP Chief of Staff Gen. Carlito Galvez Jr at PNP Chief Director General Oscar Albayalde.

Giit ni Trillanes, nagkaroon ng pagmamalabis sa panig ng pangulo ng kanyang ilabas ang kinukwestiyong proklamasyon at iutos ang pag-aresto sa kanya sa kabila ng kawalan ng arrest warrant.

Aniya, unconstitutional ang Proclamation No. 572 dahil nilalabag nito ang “shared power” ng presidente at ng Kongreso.

Malinaw din umano na political harassment ang pakay ng proklamasyon, at nalabag din umano ang karapatan ni Trillanes sa due process at equal protection na ginagarantiyahan ng Konstitusyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?