39

By

Kaso laban sa sinungaling na witness, dagdagan ng ngipin – Lacson

Dapat umanong palakasin ang batas tungkol sa perjury na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga nagsisinungaling na mga saksi.

Ito ang sinabi ni Senador Panfilo Lacson matapos ihayag ni Atty. Jode Sabio na iniuurong na niya ang inihain niyang reklamo sa International Criminal Court (ICC) laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Naging tig-singkong duling na lang ang pagsisinungaling under oath sa Pilipinas. That is why there is a compelling reason why we need a stronger perjury law,” pahayag ni Lacson sa isang statement.

“Kahit nga sa mga pagdinig ng Senado, o maging sa mga korte, pabali-baliktad ang mga testigo o resource persons depende kung sino huling kausap,” dagdag nito.

Sa kanyang inihaing reklamo sa ICC, sinabi ni Sabio na nakagawa umano ng krimen sa sangkatauhan si Duterte sa kanyang war on drugs.

Subalit sa kanyang sworn statement, pinababasura nito sa ICC ang kanyang inihaing reklamo at sinabing bahagi lang ng propaganda ng oposisyon ang kanyang reklamo.

Sa kasalukuyan, ang perjury ay may kaparusahang pagkakakulong na anim na buwan hanggang dalawang taon at dalawang buwan.

Matatandaan na pina-contempt ni Lacson si Police Major Rodney Baloloy dahil sa pagbibigay ng maling testimonya sa imbestigayson ng Senado sa “ninja cops” noong 2019.

Ganito ang ginawa aniya sa kaso ni Peter Joemel Advincula na nagtangkang idawit ang pamilya Duterte sa kalakalan ng iligal na droga.

Kalauna’y binawi ni Advincula ang kanyang alegasyon at umaming ginamit lang siya ng ilang tao kontra kay Duterte.

“Our present perjury law only carries a prison term of six months up to two years and two months. With a penalty that light, we can expect lying witnesses not only in Senate hearings but even before the courts,” punto ni Lacson.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?