743
lpp
By

Kasambahay, dating driver, ‘persons of interest’ sa pagpatay sa dean ng med school

Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Las Piñas Police kaugnay sa karumal-dumal na pagkamatay ng isang doktor.

Itinuturing na ‘persons of interest’ ang kasambahay nito at ang dating driver na magkasabwat sa krimen na naganap Biyernes ng madaling-araw sa loob ng bahay ng biktima sa Las Piñas City.

Ayon kay Police S/Supt. Marion Balolong, hepe ng Las Piñas Police, kasalukuyang nasa investigation process pa sila sa kasambahay na si Jovy Asero, nasa hustong at ang dating driver na pansamantalang itinatago muna ang pagkakakilanlan na tinanggal umano ng biktima sa trabaho.

Tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na si Dr. Harivelle Charmain Tapaoan Hernando, 62-anyos, doktora at dean sa School of Medicine ng Perpetual Help University at residente ng Doña Manuela Subdivision, Barangay Pamplona 3, Las Piñas City.

Batay sa report, dumulog sa tanggapan ng Las Piñas Police ang kasambahay na si Asero bandang alas-2:30 ng madaling araw para i-report ang naririnig na ingay sa loob ng kuwarto ng kanyang amo.

Agad nagresponde ang ilang tauhan ng pulisya sa bahay ng biktima upang makumpirma ang idinulog ni Asero at nang puwersahin ang pinto ng master’s bedroom ay doon na nila nakita ang katawan ng biktima na naliligo sa sariling dugo.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Las Piñas Police para matukoy ang motibo at kung sino ang salarin sa krimen habang nasa kanila pang pangangalaga si Asero nasa isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?