123

Jan 19, 2020 @ 17:17
By

Kapitan ng barangay, negosyante pinaslang ng riding-in-tandem

Patay ang isang kapitan ng barangay at isang negosyante matapos silang pagbabarilin ng hindi pa kilalang riding in tandem na mga suspek habang nakikipag-usap sa isang kainan kahapon, Enero 18, sa Plaridel, Bulacan.

Pawang dead on the spot dahil sa tinamong mga tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo at katawan ang mga biktimang nakilalang sina Mauro Capistrano, 56, kapitan ng Barangay Bagbaguin, Pandi, Bulacan, at Oscar Marquez, 54, negosyante na nakatira naman sa Barangay Manatal sa bayan din ng Pandi.

Sa inisyal na ulat na ipinarating ng Police Regional Office (PRO) 3 sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-12:50 ng hapon sa loob ng Nipa Hut ni Mang Celo Eatery na matatagpuan sa Barangay Bulihan ng nasabing bayan.

Base sa salaysay ng mga saksi, dumating ang mga biktima sa lugar lulan ng puting Toyota Fortuner na may plakang NBU 7644 at nakipag-usap sa isang kliyente hinggil umano sa binibentang lote ng mga ito.

Habang nasa kalagitnaan ng pag-uusap ang mga biktima at hindi pinangalanang kliyente ay dumating ang dalawang suspek sakay ng kulay itim na Honda click na motorsiklo at agad na pinagbabaril si Capistrano na agad nasawi dahil sa mga tama ng bala sa ulo at katawan.

Nakatakbo naman si Marquez pero hinabol ito ng isa sa mga suspek at pinagbabaril na dahilan din ng agaran nitong pagkamatay.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng kanilang motorsiklo patungo sa bayan ng Bustos, Bulacan.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung ano ang motibo sa pamamaslang sa mga biktima at kung sino ang mga suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?