146

By

Kahit nabasura ang kaso: Kris ‘di tatantanan si Falcis

Hindi papatinag ang mga abogado ni Kris Aquino sa na-dismiss na qualified theft case sa Makati Prosecutor’s Office kontra sa dating business manager nito na si Nicko Falcis.

Una ay kinuwestiyon ng Fortun Narvasa & Salazar, ang legal body ni Kris, ang pagkakatanggap ng Pep.ph sa kopya ng resolusyon bago pa man ito makarating sa kanila kahit pa patuloy ang pangungulit ng abogado ng kanilang kliyente para sa nasabing dokumento.

Maghahain din aniya ang kampo ni Kris ng motion for reconsideration para baligtarin ang dismissal ng kaso na nabasura sa kadahilanang ‘no sufficient evidence’ umano ang nasabing reklamo ng ‘Queen of All Media’.

Ayon sa statement, pinabulaanan nito ang naging dahilan ng korte para ibasura ang kasong pagnanakaw dahil nakapangalan kay Falcis ang nasabing credit card na mula sa Kris Cojuangco Aquino Productions (KCAP). Wala umanong go signal mula kay Kris na gumastos si Nicko para sa personal na pakinabang.

“The credit card in question was clearly owned by KCA Productions, not respondent Mr. Nicko Falvis as it was plainly embossed on the card. Mr. Falcis’ name was simply put there to show he was authorized to use it for Ms. Aquino, but not for his personal transactions,” giit ng legal counsel.

Hindi rin umano dapat tinanggap ng korte ang ‘verified omnibus motion’ ni Falcis dahil hindi ito dumalo sa hearing ng korte maging ang pagsasampa ng counter-affidavit kontra sa qualified theft case.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?