44

By

Kahit may isyu sa 2019 budget, Palasyo tiwalang lulusot si Diokno sa CA

Kumpiyansa ang Malacañang na makalulusot sa Commission on Appointments (CA) si bagong Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno sa kabila ng kontrobersiyang iniuugnay sa kanya sa 2019 national budget.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na naniniwala siyang kayang sagutin ni Diokno ang mga itatanong sa kanya ng mga miyembro ng komisyon sa sandaling sumalang na ito sa kumpirmasyon.

Ayon kay Panelo, malawak ang karanasan ni Diokno bukod pa sa pagiging eksperto nito sa kanyang larangan at mayroong integridad.

Ang mga bintang aniya kay Diokno kaugnay sa 2019 national budget ay hindi totoo at wala ring naniwala kahit mismo si Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi aniya ilalagay si Diokno sa BSP kung sumablay ito sa kanyang trabaho sa Department of Budget and Management.

“That’s their call. We have a good man there. We have an experienced man, we have an expert man, man of integrity,” ani Panelo.

Sinabi pa ng kalihim na ang naging batayan ng Pangulo para ilagay sa BSP si Diokno ay ang kanyang integridad, kakayahan at kadalubhasaan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?