343

By

Kahit guard higante! Tangkad ng Serbia, tinik sa Gilas

Kung nahirapan na ang Gilas kontra Italy, paniguradong mas lalong magiging tinik sa tropa ni coach Yeng Guiao ang Serbia.

Ganap na alas-7:30 ng gabi sa Lunes ay haharap ang Pilipinas sa pinakamalaking challenge sa kanilang pagsabak sa 2019 Fiba World Cup.

Serbia na marahil ang isa sa may pinakamatangkad na roster sa World Cup, kalahati sa kanilang lineup ay nasa 6-foot-10 pataas, samantalang ang kanilang lead guard ay 6’5” ang tangkad.

Bukod pa dito ang kanilang malulupit na kalibre ng sentro, pinangungunahan ni Nikola Jokic, isang NBA All-Star player, Boban Marjanovic na 7-foot-3 at naglalaro din sa NBA at Miroslav Raduljica na dating naglaro na para sa Bucks at Timberwolves.

Sa unang laro ng Serbia, kanilang dinurog ang Angola, 59-105, sa pagbibida ng NBA player ding si Bogdan Bogdanovic na kumamada ng 24 points, dalawang rebounds at tatlong assists.

Base rin sa Fiba ranking, 1st ranked ngayon ang European country, mas mataas pa sa NBA-stacked roster ng USA na nasa ikalawang pwesto.

Kakailanganing maging matikas ang mga sariling higante ng Gilas, na pangungunahan ni June Mar Fajardo, Andray Blatche, katuwang sina Raymund Almazan, Troy Rosario at Japeth Aguilar, para makalapit sa Serbia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?