2,817
JM de Guzman, nanggulpi sa resto bar
By

JM de Guzman, nanggulpi sa resto bar

Inireklamo ng isang real state broker ang isang aktor ng ABS-CBN at ang kasama nitong foreigner matapos umano siyang pagtulungang bugbugin sa loob ng isang resto bar sa Quezon City, Martes ng gabi.

Kinilala ni P/Capt. Juan Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District ang biktima na si Pitt Norman Zafra, 35, binata, real state broker at residente ng Saint Mary St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao, QC.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang mga nakatakas na suspek na nakilalang si JM de Guzman at kasama nitong isang foreign national.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-8:45 ng gabi ng Mayo 7 naganap ang insidente sa loob ng Flying House Resto Bar na matatagpuan sa No. 10-B Malingap St., Brgy. Teachers Village West.

Batay sa mga nakasaksing kostumer sa resto bar, nakita umano nilang tumayo at pinuntahan ng foreigner na kasama ni JM ang biktima sa table nito at sa hindi malamang dahilan ay sinuntok ito sa harap ng live-in partner na nakilalang si Madel Bermudez.

Sumunod na lumapit ang aktor sa table ng biktima subalit sa halip na awatin ang kaniyang kasamang foreigner ay sinipa pa umano nito sa likuran si Zafra at pagkatapos ay sabay na lumabas ng resto bar ang dalawa.

Dinala naman ni Bermudez ang biktima sa East Avenue Medical Center upang ipagamot ang mga tinamo nitong mga sugat at pasa sa katawan.

Hinahanting pa ng mga awtoridad ang tumakas na aktor at ang kasamang foreigner habang iniimbestigahan kung ano ang sanhi nang pambubugbog ng mga ito sa real state broker.

Nabatid na si De Guzman o Juan Miguel Gob de Guzman sa tunay na buhay, ay isang mixed martial artist, model at singer at exclusive talent ng Star Magic.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?