188

Jan 29, 2020 @ 18:37
By

Jersey, iba pang mga item ni Kobe lumobo ang presyo

Sumirit bigla ang presyo ng Kobe Bryant-related merchandise ilang araw matapos mamatay sa helicopter crash ang basketball legend.

Kasama ni Kobe ang anak na si Gianna, 13, at pitong iba pa nang bumagsak ang chopper sa Calabasas, California Linggo ng umaga.

Mula sa sneakers hanggang autographed jerseys, nagmahal.

Ayon sa Fox Business, bumaha ang searches ng fans sa lahat ng merchandise na may kaugnayan sa dating Lakers superstar. Pahirapan, kung meron pa, ang jerseys dahil pinasirit na ng mga reseller ang presyo sa global market.

Ang Adidas Crazy 97 ‘Kobe Bryant Slam Dunk Contest’ shoes daw ay lumobo ng 600 percent sa resale market StockX – $1,199 na ngayon, base sa report ng Business of Fashion.

Ang jersey na pirmado ni Kobe sa Amazon, pumapalo sa $6,000. At ang purple-and-gold Lakers jersey ni Kobe na Nos. 8 at 24, bumebenta ng $300 sa NBAStore.com. Naubusan ng stock noong Lunes pero mukhang meron na ulit.

Ikumpara: ang ibang jerseys tulad ng kay Shaquille O’Neal ay nasa $130.

Pero may ibang businesses na nagbilin daw sa sellers na huwag palobohin ang presyo sa consignment shops bilang respeto kay Kobe at sa kanyang pamilya.

“People wanted to price change shoes selling for $200 up to $600 to profit off his death, which we absolutely did not allow,” pahayag sa Fox Business ni Jonathan Meza, manager ng Urban Necessities – consignment store na naka-base sa New York at Las Vegas.

Sold out ang Bryant merchandise sa Nike.com, pinag-aaralan ng brand kung paano madadagdagan sa merkado ang shoe series ni Kobe, ayon naman sa ESPN.

Ang No. 8 ni Kobe ang top-selling jersey sa NBA store mula 2001-2003, at ang kanyang No. 24 ang pinakamaraming nabenta noong 2007, 2009 at 2010, base sa data ng NBA.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?