38

By

Isyu ng Dengvaxia ginawang panakot sa bakuna – PNoy

Sharing is caring!

Naniniwala si dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na ginamit ang isyu ng Dengvaxia para takutin ang mamamayan sa bakuna.

Inihahayag ito ng dating Pangulo matapos basagin ang pananahimik sa naging rekomendasyon ng Kamara na sampahan siya at ilang dating opisyal ng kasong kriminal at sibil kaugnay sa kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine.

Ayon sa Pangulo, ginamit ng kanyang mga kalaban sa pulitika ang isyu para palitawing mali ang kanyang ginawa nang ipatupad ang bakuna sa dengvaxia na ang resulta ay nagdulot ng takot sa mga magulang kaya ayaw ng ipabakuna ang kanilang mga anak para sa ibang mga sakit.

Nagresulta aniya ito ng outbreak sa tigdas sa bansa dahil sa kakulangan ng impormasyon ng gobyerno.

“Maliwanag po, may mga kalaban tayo sa politika na laging sinasabing mali ang ating ginagawa o di ginawa. Gumagawa sila ng isyu kung saan dapat walang isyu. Binalot nila ng intriga, pagdududa at takot ang mga bakuna kaya pati ang bakunang para sa tigdas ay inaayawan,” anang Pangulo.

Pinanindigan ni dating Pangulong Aquino na wala pang ebidensiyang nagpapakita na ang Dengvaxia ay nakamamatay.

Ang ikinamatay aniya ng mga batang nabakunahan ng dengvaxia batay sa inilabas na resulta ng pagsusuri ay viral encephalitis, electrolyte imbalance at acute respiratory failure.

Dahil sa pinalutang na pagdududa ay timatanggihan na ngayon ang ibang uri ng bakuna gaya ng para sa tigdas kaya nagkaroon ng measles outbreak.

“Batay sa ulat sa atin, lumabas na iba pala ang naging sanhi ng pagkakamatay ng mga bata. Wala pang nagpapakita na anomang ebidensiyang nagtuturo na nakamamatay ang dengvaxia. Ang resulta ng mga nagpapakaba sa ngayon: measles outbreak,” dagdag ng Pangulo.

Kasabay nito kinuwestiyon ni dating Pangulong Aquino ang House Committee report na may mga babala na umano subalit mas pinili nito na pakinggan ang mga eksperto sa gobyerno.

Sinabi ng dating Pangulo na hanggang ngayon ay walang nagsabi sa kanya at nagparating ng pagtutol o kahit sa text man lang o sulat na kumontra sa kanyang ginawa, na indikasyong tanggap nilang totoo ang sinabi nito patungkol sa Dengvaxia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?