80

By

Iregularidad sa medical assistance ng PCSO, kinuwestiyon ni Cam

Inungkat na rin ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board of Directors Member Sandra Cam ang diumano’y iregularidad sa inisyung ‘guarantee letter’ ng ahensiya bilang tulong sa gastos sa pagpapaospital ng mga may sakit.

Ayon kay Cam, nakatanggap kasi siya ng impormasyon na kasama sa nabibigyan ng guarantee letter ay ang mga pasyenteng may kaya at na-confine sa malalaking pribadong ospital.

Ang mga naibigay na halaga ng tulong sa mga nasabing pasyente ay mula P200,000 hanggang P1.5 milyon gayong ang tulong para sa mga mahihirap na pasyente ay umaabot lamang sa P50,000 at matiyaga pang pumipila.

Sinabi ni Cam na nagpalabas na siya ng memorandum noon pang Disyembre 2017 kung saan hiningi niya kay Dr. Larry Cedro, PCSO Assistant General Manager for Charity Sector, ang listahan ng mga ospital na nabigyan ng guarantee letter noong 2017.

Kinausap na rin umano niya si PCSO Chairman Jose Jorge Corpuz tungkol sa isyu, at ayon umano rito, wala namang mayaman o mahirap sa pagtulong ng PCSO.

Pero giit ni Cam, nais niyang malinawan sa polisiyang pinaiiral ng PCSO sa pagtulong sa gastos sa medical management ng mga pasyenteng dumudulog sa kanilang tanggapan. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?