103

Mar 25, 2020 @ 21:24
By

Intindihin n’yo rin kami! Koko nangatuwiran sa VIP testing sa COVID-19

Binigyang katuwiran ni Senador Koko Pimentel ang VIP testing sa mga politiko sa COVID-19 kahit wala namang sintomas gayong ang mga persons under investigation na may malalang sintomas gaya ng mga health worker ay hindi mabigyan ng pagkakataon na makapagpa-test.

Sa panayam sa kanya sa telebisyon, sinabi ni Pimentel na dapat intindihin na tao rin sila at nagkakasakit.

“Ngayon siguro meron na tayong additional 100,000 additional test kits… Pero tingnan n’yo din naman kami, pagka-negative kami bina-bash, pagka-positive naman kami bina-bash pa din. ‘Yung example ko siguro shows na kailangan din magpa-test ang mga senador natin kasi ang iba sa kanila nagkakasakit din talaga. ‘Yun po ‘yung rason, I beg for understanding of everyone,” saad ni Pimentel sa panayam ni Jessica Soho nitong Marso 25.

Magugunitang binatikos ang senador dahil sa pagsama sa kanyang asawa sa Makati Medical Center kahit pa persons under investigation siya sa virus.

Nalaman ng senador na COVID positive siya nang nasa loob na siya ng ospital.

Sinabi naman niyang walang dapat ipangamba dahil wala siyang ubo at na-disinfect na ang mga lugar sa ospital kung saan siya nanatili maging ang dinaanan niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?