116
Inspirado! Tolentino ganadong mangampanya matapos pumasok sa Magic 12
By

Inspirado! Tolentino ganadong mangampanya matapos pumasok sa Magic 12

Aminado si administration senatorial bet Francis Tolentino na mas ganado siyang mangampanya ngayon matapos siyang pumasok sa top 12 senatorial candidates base sa pinakasariwang Pulse Asia survey.

Ayon kay Tolentino, mas pagiigtingin niya pa ang paglibot sa iba’t ibang sulok ng bansa upang suyuin ang mga botante na suportahan siya sa nalalapit na halalan sa Mayo.

“Trabaho pa rin. Trabaho pa rin. Trabaho pa rin si ‘Tol,” paliwanag ni Tolentino.

Nakakataba ng puso umano ayon kay Tolentino ang pinakabagong Pulse Asia survey kung saan naglalaro na siya mula ika-11 hanggang ika-12 puwesto mulang sa dating pang-18 lamang noong Enero.

Paliwanag pa ng dating alkalde ng Tagaytay City, unti-unti na umanong nagbubunga ang kanyang kasipagan sa pangangampanya matapos mapasali sa top 12 subalit hindi umano ito dahilan para magpaka-kampante, bagkus ay mas sisipagan niya pa ang pangangampanya upang lalong maselyuhan ang kanyang panalo sa darating na Mayo.

“Sipag lang talaga siguro. Mas sikat ‘yung iba(ng) [kandidato] eh,” paliwanag ni Tolentino.

Higit sa 32 porsiyento ng mga respondents ang nagsabi na susuportahan nila at iboboto ang dating alkalde ng Tagaytay City kung pagbabasehan ang pinakahuling tala mula sa Pulse Asia na kinalap mula Pebrero 24 hanggang 28.

Tumaas ng 11 puntos ang dating Metropolitan Manila Development Authority chairman kumpara sa kaparehong survey na ginawa noong Enero.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?