201

Jan 27, 2020 @ 15:34
By

Ingat sa coronavirus! Beso-beso iwasan muna – DOH

Pinayuhan ng gobyerno ang publiko na iwasan muna ang makipag-beso beso kahit kanino sa harap ng pinangangambahang coronavirus na kumakalat ngayon sa iba’t ibang bansa.

Sa Laging Handa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque na iwasan muna ang nakagawiang beso-beso o paghalik sa pisngi bilang pagbati, pati na rin ang pakikipag-kamay para masigurong makaiwas sa kinatatakutang virus.

Maaari naman aniyang bumati sa pamamagitan lamang ng salitang “hello” habang mahigpit na ipinapatupad ng gobyerno ang mga pag-iingat para matiyak na hindi makapasok sa bansa ang nabanggit na sakit.

“Avoid beso-beso, please tigilan na muna, avoid shaking of hands this time. Siguro fist bump or gusto n’yo finger-to-finger na lang or just say ‘hello’,” ani Duque.

Muling ipinaalala ni Duque ang tamang paghuhugas ng kamay sa pamamagitan ng pagkanta ng “happy birthday” o pag-usal ng Our Father prayer para masigurong malinis ito sa anumang uri ng virus at kung maaari ay panay-panayin ito sa isang araw.

Kasabay nito nanawagan din ang kalihim sa publiko na huwag magpagamit sa ibang grupo na nais magpakalat ng maling balita dahil baka lalong makasama lamang ito sa publiko.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?