68

By

Indonesian tiklo sa 8 kilong droga sa NAIA

Hindi nakalusot sa mga alertong tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang tangkang pagpupuslit ng walong kilong shabu sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City nitong Lunes ng madaling-araw.

Nahuli naman ang Indonesian passenger na may dala ng droga sa loob ng kanyang trolley bag habang nasa Customs area na si Agnes Alexandra, nasa hustong gulang at pasahero ng Cebu Pacific flight 5J 528 galing Siam Reap, Cambodia.

Base sa report , alas-2:30 ng madaling-araw nang lumapag sa Terminal 3 si Alexandra subalit nang isalang sa X-ray machine ang bagahe nito ay minarkahan ng X dahil sa kahina-hinalang laman nito.

Nataranta pa ang suspek nang buksan ng Customs Inspection Project personnel ang bag niya at tumambad ang kulay puting powder na nakabalot sa aluminum foil at itim na plastic.

Nang dalhin sa tanggapan ng PDEA ang dayuhan ay mariin nitong itinanggi na kanya ang nakitang shabu kundi may isang tao umano na nag-abot sa kanya ng trolley bag habang nasa Cambodia airport siya.

Hindi naman pinaniwalaan ng mga taga-PDEA ang paliwanag ng suspek at ikinulong ito at sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Sa report, tinatayang nasa P54 milyon ang halaga ng nakumpiskang droga sa suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?