94

Jun 19, 2018 @ 21:08
By

Inangkat na bigas sa Vietnam, Thailand mabibili na

Sinimulan na ng National Food Authority (NFA) ang pagpapakalat ng binili nilang mga bigas sa Vietnam at Thailand.

Una nang natambak ng dalawang linggo sa barko ang 220,000 sako ng bigas dahil sa masamang panahon.

Ang mga bigas, na kapalit ng naubos na NFA rice, ay dadalhin sa mga NFA outlets sa Central Luzon.

Katuwiran ni NFA Region 3 Director Rex Estoperez, sinadya nilang hindi muna ibaba ang mga bigas na dumating sa Pilipinas noon pang Hunyo 5 dahil kapag naulanan ang mga ito ay hindi na mapapakinabangan.

Dagdag pa ng opisyal, sinuri na nila ang kalidad ng mga bigas at pumasa ito sa standard quality base sa resulta ng pagsusuri ng kanilang laboratory technician.

Inaasahan naman na bago magtapos ang kasalukuyang buwan ay nasa bansa na rin ang karagdagan pang kalahating milyong sako ng inangkat na bigas.

Hanggang Agosto, 10 milyon na sako ng imported NFA rice ang ipamamahagi sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?