333
Inakusahang may kabit, lalaki nagbaril sa sarili
By

Inakusahang may kabit, lalaki nagbaril sa sarili

Tuluyang winakasan ng isang lalaki ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili matapos akusahan ng kaniyang selosang live in partner sa Quezon City.

Kinilala ni P/Sr. Insp. Juan Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District ang biktimang itinago sa pangalang Jose,  at taga-QC.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Hermogenes Capili, ng CIDU-QCPD, natagpuan ang bangkay ng biktima na may tama ng bala ng cal. 380 thunder plus sa ilalim ng baba na lumusot sa sentido sa bakanteng lote sa Brgy. U.P. Campus, dakong alas-2:45 ng hapon ng Marso 11.

Batay sa pahayag ng mga nakasaksing sina Richie Macapaz, Jayboy Benbenubo at Joselito Reyes, abala umano sila sa paglilinis ng mga damo nang makita nila ang duguang katawan ng biktima.

Agad na ini-report ng mga saksi sa UP Police ang insidente.

Una rito, bago natagpuan ang bangkay ng biktima ay nakita umano itong nakikipagtalo sa kaniyang live-in partner  dakong alas-otso ng umaga noong Marso 11.

Nabatid na sumailalim na ang mag-live in sa couples therapy dahil nagtangka na rin umanong magpakamatay ang biktima noong Pebrero 2019.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?