433

May 8, 2020 @ 16:24
By

Ina ginilitan ng leeg ng anak dahil sa quarantine pass

Patay ang isang ina matapos gilitan ng leeg ng kanyang sariling anak dahil umano sa quarantine pass Huwebes ng gabi sa Barangay Mambaling, Cebu City.

Dead on the spot matapos gilitan sa leeg ang biktimang nakilalang si Anelita Andoque, habang sinubukan pang tumakas subalit nasakote din sa isang quarantine checkpoint sa kanilang lugar ang suspek na si Johnrey Bascal, 25, anak ng nasawi, pawang residente ng Ybanes Compound ng nabanggit na barangay.

Sa ulat ni Police Captain Francis Renz Talosig, hepe ng Mambaling Police station, isang saksi na nakilalang si Richard Gutang, residente din ng nabatid na lugar, ang nakakita sa suspek Huwebes ng gabi na puro dugo ang suot na damit at nakatayo sa harapan ng kanilang bahay.

Dali-dali namang nagtungo si Gutang sa bahay ng mag-ina upang sabihin sana sa nanay na si Anelita ang kanyang nakita subalit laking gulat nito nang madatnang wala ng buhay at gilit ang leeg ng biktima sa loob ng bahay.

Tinanong ni Gutang ang suspek kung ano ang nangyari sa kanyang ina subalit wala itong matinong sagot kaya humingi na ito ng tulong sa mga tanod at ipaalam ang pangyayari.

Sinubukan namang tumakas ng suspek subalit agad din itong nasakote ng mga tanod sa isang quarantine checkpoint malapit sa kanilang tinitirahan at agad dinala sa presinto.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, base na rin sa salaysay ng mga kaanak, nag-away umano ang mag-ina dahil sa quarantine pass, kinuha umano ng suspek ang quarantine pass na nakapangalan sa biktima dahil gusto umano nitong lumabas subalit hindi pumayag ang nanay dahilan ng kanilang pagtatalo.

Simula nang mag-away ang mag-ina ay hindi na umano lumabas ng kuwarto ang suspek hanggang sa gawin nito ang nasabing krimen sa kanyang sariling ina.

Patuloy ang imbestigasyon ng krimen habang nakatakda namang sampahan ng kasong parricide ang suspek dahil sa pagpatay nito sa kanyang ina.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?