31

By

Immigration, DOLE pinaghigpit sa pag-iisyu ng work permit sa mga dayuhan

Pinaghihigpit na ang Bureau of Immigration (BI) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagbibigay ng work permit sa mga dayuhan.

Utos ito ng Kongreso na ipinaloob sa mga special at general provision ng panukalang 2019 national budget.

Ayon kay Senadora Loren Legarda, chairman ng Senate Committee on Finance, nagpasok sila ng probisyon na magbabawal sa BI na mag-isyu ng temporary work permit sa mga dayuhan maliban kung may hawak ang mga to na alien employment permit (AEP) o katulad na sertipikasyon mula sa DOLE.

Karugtong nito ang atas sa DOLE na alamin muna kung walang ibang Filipino na pwede sa trabahong gustong pasukan ng dayuhan bago ito mag-isyu ng AEP o katulad na sertipikasyon.

Bunga ito ng imbestigasyon ng Senado kung saan pinuna ang biglang pagdami ng mga Chinese national na nagtatrabaho sa bansa, karamihan ay sa mga online gaming operation.

Isiniwalat doon ni Senador Joel Villanueva na sa halagang P5,000 nakakakuha ang mga dayuhan ng temporary work permit mula sa BI na wala naman aniyang kakayanan na alamin kung walang ibang Pilipino na pwede sa trabahong pinapasok ng dayuhan.

Nakuha umano ang ganung permit nang hindi nireresibuhan sa satellite office ng BI sa Taguig City.

Iniimbestigahan pa umano ito ng BI.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?