182

Iloilo municipal treasurer, sibak sa ‘fertilizer scam’

Sinibak na sa puwesto ni Finance Secretary Carlos Dominguez III, ang municipal treasurer ng Guimbal, Iloilo dahil sa pagkakasangkot sa P728-million fertilizer fund scam.

Ang pagsipa sa puwesto kay Ma. Asuncion Isabel Gargalicano ay dahil sa pakikipagkutsabahan kay Mayor Oscar Garin Jr., at sa iba pang empleyado ng munisipyo para sa maanomalyang pagbili ng P3 milyong halaga ng Bionature, isang liquid organic fertilizer, mula sa Feshan Phils., Inc.

Ang hakbang ni Dominguez ay base sa nadiskubre ng Ombudsman na minadali ang pagbili ng mga abono sa pamamagitan ng ‘direct contracting’ para wala nang isagawang public bidding.

Bunga nito napaboran ang Feshan Phils., na ipinagbili ng P1,200 ang bawat bote ng organic fertilizer gayung may katulad na produkto na P120 lang ang halaga.

Sa desisyon ng Ombudsman, kinansela ang lahat ng retirement benefits nito, hindi na rin siya maaaring humawak ng anumang puwesto sa gobyerno at kung sakaling hindi na ito maipapatupad, pagmumultahin siya ng katumbas ng kanyang isang taon na suweldo. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?