43

By

IBP apela ang mabusising imbestigasyon sa pinaslang na abogado sa Tagum

Nanawagan ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa mga awtoridad na imbestigahan at bigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Atty. Rex Jasper Lopoz na binaril noong Miyerkoles ng gabi sa Tagum City, Davao del Norte.

Sa isang statement, mariing kinundena ng IBP sa pangunguna ng kanilang national president na si Abdiel Dan Elijah S. Fajardo ang pagpatay kay Lopoz.

Nababahala umano ang IBP sa serye ng mga pag-atake laban sa mga abugado, hukom at piskal.

Sa kanila umanong pagtaya, nasa 38 na ang napapaslang sa hanay ng propesyon ng abugasya mula noong August 23, 2016 kung kailan napatay si Atty. Rogelio Bato Jr na abugado ng napaslang na si Albuera Mayor Rolando Espinosa Jr.

“Lawyers, prosecutors, and judges are being targeted with surging frequency and impunity. Atty. Lopoz’s killing closely follows the assassination of Prosecutor Mary Ann Castro in Cebu City last January 17, 2019, and the abduction of lawyer Alwyn Mendoza in Nueva Ecija last February 23, 2019,” saad ng IBP sa isang statement.

Anila, ang mga serye ng hindi nareresulbang krimen laban sa mga abogado ay nagdulot na ng takot at pagkalumpo sa isa sa pinakamahalagang haligi ng sistema ng hustisya sa bansa.

“Lawyers are professionals who must not be associated with the perceived crimes of their clients. We are sworn to advocate our clients’ causes within the bounds of law, free from fear and intimidation, and regardless of our own opinions as to their guilt and innocence,” dagdag ng IBP.

Kasabay nito, umapela rin ang IBP sa Korte Suprema para pangunahan ang masinsin at patas na imbestigasyon sa lahat ng nga napaslang na Pilipinong abugado.

Iminungkahi ng IBP na magpatawag ang Korte Suprema ng dayalogo sa hanay ng hukuman, IBP, mga otoridad at iba pang mahahalagang organisasyon para matalakay ang pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng mga abugado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?