436

Huling reklamong plunder kay Arroyo binasura na

Binasura na ng Office of the Ombudsman ang huling reklamo ng plunder laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kaugnay sa umano’y maling paggamit ng P73 milyong pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sinampahan ng mga kasong plunder, malversation of public funds at graft sina Arroyo at ilan sa mga opisyal ng PCSO matapos umano nilang aksayahin ang confidential at intelligence funds ng ahensiya mula taong 2004 hanggang 2007.

Pebrero 13, 2019 pa ang petsa ng pagbasura ng Ombudsman sa reklamo ngunit naisapubliko lamang ng kampo ni Arroyo nitong Linggo, Disyembre 1.

Inihain ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales ang kaso noong 2016, sa parehong panahon na pinawalang-sala ng Korte Suprema (KS) si Arroyo sa hiwalay pang plunder charge sa pondo mula ng PCSO, ngunit mula taong 2008 hanggang 2010.

Sa 10-page resolution, sinaad ng Ombudsman na walang ebidensya na binulsa ni Arroyo ang P73.617 milyong pondo na na-disburse mula sa request nina dating PCSO General Manager Rosario Uriarte at dating PCSO Chairman Sergio Valencia.

“The High Court ruled, among other things, that (1) the Prosecution did not prove the existence to conspiracy among Arroyo, Aguas and Uriarte.; (2) no proof of amassing or accumulating, or acquiring ill-gotten wealth of at least P50 million was adduced against Arroyo and Aguas and finally (3) the prosecution failed to prove the predicate act of raiding the public coffers,” saad sa resolusyon.

Una na rin umanong napatunayan ng KS na valid at ligal ang request nina Uriarte at Valencia para sa pondo noong 2008 hanggang 2010, at sinunod nila ang lahat ng mga requirements ng Letter of Instructions sa disbursement ng intelligence funds.

Inapruba ang desisyon ni Ombudsman Samuel Martires at sinulat ni graft investigation officer Lucielo Ramirez Jr..

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?