582

May 22, 2020 @ 19:22
By

Huli ka! DILG Asec. Echiverri natutulog sa pansitan

Kung nahuli sa camera ang pagdumi ng isang resource person sa online hearing ng Kamara, meron naman isang opisyal ng gobyerno ang nakitang natutulog habang isinasagawa ang isang pagdinig sa Senado.

Sa organization meeting ng Joint Congressional Energy Commission na pinangunahan ni Senador Sherwin Gatchalian, kitang-kita si Department of Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary Ricojudge Janvier Echiverri na natutulog sa kanyang opisina habang nagpapatuloy ang talakayan.

Naghahanda noon ang Meralco ng kanilang presentasyon at paliwanag tungkol sa pagsipa ng bayarin sa kuryente habang nasa ilalim pa ng modified enhanced community quarantine ang Metro Manila at mga karatig-probinsiya nang magkaroon ng problema sa audio ng online hearing.

Habang inaayos ang technical problem sa linya ng komunikasyon, nakita naman sa video si Echiverri na natutulog sa kanyang kinauupuan.

Una’y nakahawak ang kanyang kanang kamay sa kanyang noo at ilang segundo ay inilipat nito sa kanyang pisngi hanggang sa nagpatuloy sa pagtulog nito.

May ilang nakapagsabing nakita pa sa video na nagpupunas ito ng laway nang maalingpungatan ito.

Nang maayos na ang problema sa audio ng online hearing, nakinig na ang opisyal subalit hindi naman ito pinagsalita sa pagdinig.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?