68

By

Hosting ng STACAA 2020 inatras ng Batangas

Inatras ng lalawigan ng Batangas ang pagho-host nito ng Southern Tagalog Calabarzon Athletic Association (STACAA) 2020 na lalarga sana sa darating na Pebrero.

Ito ay matapos tumama ang kalamidad sa lalawigan sanhi ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Nitong nakaraang linggo. nagpadala na ng liham ang lokal na pamahalaan ng Batangas sa regional committee ng STACAA na nagpapaabot ng pagtanggi nitong gawin sa lalawigan ang palaro.

Ito ay upang mas mabigyang-prayoridad muna ang mga pangangailangan ng mga residente ng Batangas na nabiktima ng pagsabog ng Taal.

Nasa ilalim pa rin ng state of calamity ang Batangas dahil sa kalamidad.

Sa pinakahuling tala ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, umabot na sa 30,763 na pamilya o katumbas ng 137,014 na indibidwal ang naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.

Ang STACAA, na taunang isinasagawa ng limang lalawigan ng CALABARZON, ay lalarga sana sa Batangas City sa darating na Pebrero 2 hanggang 12.

Ang pangunahing venue ay ang Batangas Sports Complex na pansamantalang kinakanlungan pa ng mga evacuee mula sa iba’t ibang bayan ng Batangas.

Pinag-uusapan pa ng STACAA committee kung saang lalawigan ililipat ang venue ng palaro at ang panibagong petsa ng simula.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?