1,079
tnt_risa
Jun 19, 2018 @ 21:11
By

Hontiveros kay Duterte: Anong balak sa mga tambay sa Scarborough Shoal?

Kung inaaresto ang mga tambay sa lansangan, paano naman ang mga tambay sa Scarborough Shoal?

Kuwestiyon ito ni Senadora Risa Hontiveros kay Pangulong Rodrigo Duterte na nag-utos na dakpin ang mga tambay sa lansangan na diumano ay silang gumagawa ng krimen.

Pinuna ng senadora na matapang ang Pangulo sa mga mahihirap na napapatay sa war on drugs at sa mga hinuhuli ngayong “tambay” pero wala naman umanong magawa ukol sa mga Tsino na hindi na umaalis sa Scarborough Shoal.

“Yan ang mahirap kay Pangulong Duterte eh. Matapang lang siya sa mga mahihirap, walang trabaho at walang kalaban-laban na mga tambay, pero tiklop naman sa China na nasa Panatag Shoal na forever na yatang tumambay,” ani Hontiveros.

Tinuligsa naman ng senadora ang panghuhuli ng mga tambay.

Binigyang-diin na hindi kriminal ang lahat ng tambay.

Mariin ding sinabi na walang batayang legal ang panghuhuli ng tambay dahil hindi na ngayon krimen ang bagansya.

“Hanging out is not a crime. As a lawyer, he should know that his order has no legal basis. The vagrancy law has been repealed. President Duterte’s arrest-all-tambays order is unconstitutional,” diin ng senadora.

Dagdag nito, dapat intindihin ng Pangulo na ang tambay phenomenon ay bunsod ng kahirapan, kawalan ng job opportunities at kawalan ng edukasyon.

Ito rin ang kultura ng mga Filipino para makisalamuha, makipagkuwentuhan sa mga sari-sari-store at mga tambayan sa barangay na wala naman umanong kaibahan sa pagtambay sa mga coffee shop o mall.

“Or is the government discriminating against the poor?” tanong ni Hontiveros.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?