39
arrested
By

Holdaper ng taxi driver laglag sa mga pulis

Arestado ang isa sa dalawang lalaking nangholdap sa isang taxi driver sa ikinasang follow-up operation ng mga awtoridad sa Brgy. Batasan Hills, Quezon City, Martes ng madaling-araw.

Kinilala ni Acting Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Ronnie Montejo ang naarestong suspek na si Edmar Lodebese, 27, construction worker at residente ng Brgy. Payatas.

Si Lodebese ay naaresto matapos na ireklamo ng biktimang si Edmar Senina, 50, taxi driver, sa Batasan Police Station 6 hinggil sa panghoholdap sa kanya ng dalawang lalaki dakong alas-5:00 ng madaling-araw (November 26).

Kuwento niya, nagpanggap na pasahero ang mga suspek at sumakay sa area ng Quezon City Memorial Circle at nagpahatid sa Brgy. Payatas.

Pagsapit nila sa Road Group 5 Area B, Brgy. Payatas ay tinutukan siya ng baril ng mga ito at nagdeklara na umano ng holdap at tinangay ang kanyang kinita sa magdamag na pamamasada.

Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at naaresto si Lodebese sa Sorsogon St., Group 6, Area B, Lupang Pangako, Payatas.

Positibo naman siyang kinilala ng biktima na isa sa dalawang lalaking nangholdap sa kanya.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang Smith & Wesson .38 caliber na loaded ng apat na bala at isang pakete ng shabu, habang tinutugis pa ang kasamahan niya.

Nakapiit na ang suspek at sasampahan ng kasong robbery at paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?