78

By

Hirit na asylum ng Iranian beauty queen malapit nang maresolba

Umaasa ang Department of Justice na sa pamamagitan ng Refugees and Stateless Persons Protection Unit (RSPPU) ay mareresolba na ngayong linggo kung igagawad ba o hindi ang request for asylum ng Iranian beauty queen na si Bahareh Zare Bahari.

Ayon kay Justice Undersecretary Markk Perete, sinisikap umano ng RSPPU na madetermina ang mga basehan para gawaran ng asylum status si Bahari.

Si Bahari, 31-anyos, ay pinigilan sa Ninoy Aquino International Airport nito lamang October 17 sa kanyang pagdating mula Dubai dahil sa pagpaslang umano niya sa kanyang kapwa Iranian national sa Pilipinas.

Nagresulta ito ng pag-iisyu ng Interpol Red Notice laban sa kanya.

“Hopefully by this week, the RSPPU would be able to finish its appreciation of evidence on the application for asylum filed by Ms. Bahari,” ayon kay Perete.

Paliwanag pa ni Perete, habang hinihintay ang resolusyon sa kanyang aplikasyon ng asylum, ay mananatili pa rin sa kostodiya ng Bureau of Immigration (BI) sa NAIA Terminal 3 ang beauty queen.

Wala namang mga guard ang naka-assign kay Bahari at maaari siyang magpagala-gala sa loob lamang at hindi sa labas ng airport.

“In so far as the BI is concerned she is still an excluded individual, until such time that they have a decision on her asylum petition,” dagdag ni Perete.

Inamin ni Perete na nito lang taon, tatlong asylum petition na ang nadesisyunan ng RSPPU kabilang ang sa Syrian national.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?