154

By

Hindi papopormahin? Kudeta nakaamba laban kay Cayetano – Pulong

MANILA – Nagbabala si Davao City 1st district Cong. Paolo Duterte na posibleng magkaroon gg malakihang pagkilos sa plenaryo ng Kamara upang hindi makaporma at makaupo bilang House Speaker si Taguig-Pateros Cong. Alan Peter Cayetano sa pagbubukas ng bagong Kongreso sa Hulyo 22.

Sa isang text message, sinabi ni Duterte na may mga umuugong na balita na sa kanilang mga kongresista at marami daw umanong posibleng sumuway sa rekomendasyon ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes patungkol sa imunungkahi niyang term-sharing deal sa pagitan nila Cayetano at Marinduque Cong. Lord Allan Velasco para sa liderato ng Kamara.

“Mukhang hindi pa tapos ang laban para sa kanilang tatlo at sa mga backers,” saad ni Duterte.

Ayon sa anak ng Pangulo, mukhang marami pang pwedeng mangyari hanggang sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso kulang dalawang linggo mula ngayon at isa sa tatlong frontrunners sa pagka-Speaker bago ihayag ni Duterte ang term-sharing deal ay nagbabalak umanong sulutin ang liderato ng Kamara upang mapigilan ang isang Cayetano speakership.

“Kasi may balita-balita, may isa sa tatlo na balak mag coup d’état on the day,” paliwanag ni Duterte.

Nitong Miyerkoles, inamin ni Davao City Mayor at Hugpong ng Pagbabago (HNP) chairperson Sara Duterte na nananatili ang pagtutol ng kanyang partido patungkol sa term-sharing na matagumpay ni ginapang at niluto ng kampo ni Cayetano.

“(For) HNP, yes no change,” paliwanag ni Mayor Duterte.

Una nang nagbabala ang alkalde laban sa mga pasimuno ng term-sharing dahil mauuwi lamang umano ito sa trayduran ng mga magkakaalyado at posible na naman mauwi sa isa na namang kudeta sa Kamara.

Samantala, sinabi naman ni Presidential Spokerman Salvador Panelo na pawang suhestyon lamang at hindi pipilitin ng Pangulo ang mga kongresista na bumoto para kay Cayetano.

“That’s the suggestion of the President,” paliwanag ni Panelo.

Dagdag pa ni Panelo, hindi naman umano mamasamain ng punong ehekutibo kung suwayin ng kanyang mga kaalyado sa Mababang Kapulungan ang kanyang suhestyon na term-sharing para kina Cayetano at Velasco.

“In the ultimate analysis, the vote on the speaker would lie on the members of Congress. The only reason why the President gave that suggestion is because those or vying for it went to him and sought his wise suggestion to settle the row between and among them,” paliwanag ni Panelo.

“Hindi naman siya (Duterte) actually, hindi naman siya nagku-kumpas, siya ang pinapa—hindi ba siya ang nilapitan eh. Eh kayo ang lumapit sa akin, sabi n’yo payag kayo, oh di sige pinagbigyan ko kayo. Nasa sa kanila iyon,” hirit pa ng tagapagsalita ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?