67
Hindi na bago! Gabriela nabanas sa MWSS, Manila Water
By

Hindi na bago! Gabriela nabanas sa MWSS, Manila Water

Sama-samang kinalampag ng Gabriela at iba pang mga sektor na pawang mga misis ng tahanana gamit ang mga balde, tabo at galon na walang laman ang pamunuan ng Manila Water at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa pagkawala ng tubig sa lahat ng lugar na sineserbisyuhan ng mga ito.

Ayon kay Joms Salvador, Secretary General ng Gabriela, bukong-buko na ang garapalang panloloko sa mga konsyumer ng Manila Water na tila kasabwat ang MWSS at gobyernong Duterte sa paggamit, kundi man paglikha ng krisis sa tubig na magtutulak ng deal sa China para sa konstruksyon ng Kaliwa at Kanan Dam.

Ang mga dam ay magbebenepisyo diumano sa Metro Manila nguni’t maglulubog sa mga komunidad ng Dumagat at sisira sa biodiversity ng Sierra Madre. Higit sa lahat, maglulubog din ito sa atin sa utang sa China.

“Bagaman nakaamba ang El Niño na totoong maaaring magdulot ng kawalan ng tubig, ang kagyat na pagputol ng daloy ng tubig ay premature at extreme. Dapat ay pinaghandaan na nila itong mabuti sa dahil halos taon-taon ay dumaranas naman ng ganitong kondisyon kapag tag-init,” giit ni Salvador.

Dagdag pa niya, lalong nagpapakita lamang ito ng kawalan nang malasakit sa mamamayan ng mga negosyo gaya ng Manila Water.

“Nagpapatunay din ito na dahil sa patuloy na pribatisasyon ng mga serbisyo, hawak sa leeg kundi man nagiging kasabwat ng mga pribadong negosyo ang gobyerno sa pagpiga ng kita mula sa bulsa ng mamamayan,” anang Gabriela Sec. General.

Panawagan ng Gabriela na kailangang agad na ibalik ng Manila Water ang serbisyo sa tubig samantalang naghahanda para sa El Niño.

“Sobrang perwisyo ang ginawa ng Manila Water. Dapat lang na gawan nila ng paraan kaagad para maibsan ang hirap na nararanas ng mga apektadong lugar lalo pa at nagbabanta din ang service interruptions ng Meralco,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?