160

By

Hindi lang si Darwin: 2 pang kadete naospital dahil sa umano’y hazing

Dalawa pang kadete ng Philippine Military Academy (PMA) ang sinugod sa hospital dahil sa umano’y panghe-hazing sa kanilang barracks sa PMA compound sa Baguio City.

Ayon kay PMA spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo, itinakbo ang dalawang PMA freshman sa ospital noong Sabado, Setyembre 21, dahil sa pagkakatumba sa barracks sa sobrang pananakit ng tiyan.

Dahil dito, iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang pagkaka-ospital ng dalawa kung konektado ito sa pagkakamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio dahil sa hazing.

Hindi muna pinangalanan ang dalawa pang na-ospital na PMA freshmen at kasalukuyang under observation sa ospital.

Matatandaan na si Dormitorio ay itinakbo sa ospital dalawang beses kamakailan dahil sa matinding sakit ng tiyan resulta ng hazing bago ito mamatay.

Ilang opisyal ng nasabing institusyon ang sinibak dahil sa pagkakasangkot nila sa pagkamatay ni Dormitorio.

Ayon kay Arevalo, may tatlong suspek, dalawang person of interest at siyam na testigo ang hawak na umano ng imbestigador ng PMA hinggil sa trahedya.

Si Domitorio, 20, ang pinakabata sa tatlong magkakapatid na anak ni PMA alumnus retired Col. William Dormitorio at siya ay namatay sa PMA Station Hospital noong Miyerkules nang umaga, Setyembre 18, 2019, dahil sa initial finding na “cardiac arrest secondary to internal hemorrhage” at ang kanyang mga labi ay inuwi na sa kanyang probinsiya sa Cagayan de Oro noong Sabado.

“As we continue to mourn over the passing of Dormitorio, the search for truth, justice, and accountability also continues to drive everyone in PMA to consistently cooperate with other competent authorities to be methodical, thorough and exhaustive in every step of the investigative process,” ani ng akademya.

Dagdag nila, ang sinumang mapapatunayang nagkasala sa pagkamatay ni Dormitorio ay mapaparusahan ng paglabag sa anti-hazing law.

“Details are also being collated on the status of Cadet Dormitorio days and weeks before the unfortunate incident. Other officers and personnel are currently being subjected for questioning,” ayon sa pahayag ng PMA.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?