334

By

Hinay-hinay lang: Locsin tutol sa pag-deport sa Chinese na nambato ng taho

Kinontra ni Foreign Affairs Secretary Teodoro ‘Teddy’ Locsin Jr. ang panawagan na ipatapon na palabas ng bansa ang Chinese national na nanaboy ng taho sa pulis sa isang MRT station.

Sa kaniyang Twitter account, sinabi ni Locsin na tama lang na panagutin ang Chinese na si Jiale Zhang pero kinuwestyon nito ang hinihingi ngayon na deportasyon nito.

“Absolutely. Charge her. But deport? She’s a student who believes enough in us to study here,” sabi ni Locsin.

Sinampahan na si Zhang ng mga reklamong direct assault, disobedience to a person in authority at unjust vexation dahil sa pagsaboy ng taho kay PO1 William Cristobal na humarang sa kanya sa pagpasok sa Boni Station ng MRT dahil sa bitbit na taho.

Kinantyawan naman ni Locsin ang iniulat na pahayag ni Vice President Leni Robredo na kawalang respeto sa lahat ng mga Filipino ang ginawa ni Zhang.

“Disrespects all Pinoys. That’s a lotta taho,” sabi pa rin nito sa tweet.

Ipinaalala naman nito na maraming Filipino na nagtatrabaho sa China na maaring pagdiskitahan ng ilang gaya ng mga bumabanat kay Zhang sa social media.

“But then again, we have workers in China and the Chinese public may behave as irrationally as a few people on Twitter. Wouldn’t want that to happen in China or anywhere in the world where our people work. This is not to condone taho flinging but a sense of proportion puhleese,” dagdag ni Locsin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?