995

By

Hilbay pinagpapaliwanag ng Kamara sa bigong arbitral case vs Maynilad

Nakatakdang ipatawag ng Kamara si dating Solicitor General Florin Hilbay kaugnay sa imbestigasyon patungkol sa umano’y dehadong concession agreement na pinasok ng pamahalaan at water concessionaires na Maynilad at Manila Water.

Ayon kay House Committee on Environment chair Pidi Barzaga (Cavite), dapat magpaliwanag si Hilbay kung bakit natalo ang Pilipinas sa isinampang kaso ng Maynilad na pag-aari ng Salim-Consunji consortium sa Permanent Court of Arbitration (PCA) na naka-base sa Singapore.

Unang inilahad ni Public Accounts Committee chair at Anakalusugan Party-list Cong. Mike Defensor na si Hilbay ang tumayong abogado para sa republika nang matalo ito sa arbitral case na sinampa ng Maynilad sa PCA noong 2015, at dahilan upang pagmultahin ang bansa ng halos P3.4 bilyon matapos hindi nitonpayagan ang kumpanya na pinapatakbo ng negosyanteng si Manny Pangilinan na makapagtaas ng singil sa kanilang mga customer.

“Considered the manifestation of our chairman… that it was Atty. Hilbay who represented the government, we want to know who was the defendant in that particular case facing the court? Was it water concessionaires? Was it MWSS (Metropolitan Waterworks and Sewerage System),” wika ni Barzaga.

Giit ni Barzaga, hindi puwedeng basta-basta kasuhan ang Pilipinas dahil sa tinatamasa nitong soberanya maliban na lang kung ito’y nagkasala ng war crimes.

“The Republic of the Philippines as a sovereign nation normally cannot be charged except when they are exercising brute military functions,” paliwanag ni Barzaga.

“We want to clarify, sino ba ang nakademanda? Sino ang defendant?” hirit pa ng Kabitenyong kongresista.

Suportado naman ni Deputy Speaker Prospero “Butch” Pichay ang hiling ni Barzaga na ipatawag sa susunod na pagdinig si Hilbay.

Samantala, giniit ni Maynilad CEO Ramoncito Fernandez na hindi na interesado ang Salim-Consunji consortium na singilin ang pamahalaan sa panalo nito sa PCA noong 2017.

“Na-award ang arbitral award sa Maynilad noong 2017. After we have followed up the government, noong hindi kami binibigyan ng pansin, di na ho kami nagpursigi,” saad ni Fernandez.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?