59

By

Halos P1M tulong binigay sa pinatay na Kuwait OFW

Nasa isang milyong piso ang tulong-pinansiyal na binigay ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa pamilya ni Jeanelyn Villavende, ang Filipina na pinatay sa bugbog ng kanyang amo sa Kuwait noong Disyembre 2019.

Personal na binigay ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ang mga tseke sa tatay ni Villavende na si Abelardo, matapos niyang bumisita sa lamay ni Villavende sa Barangay Tinago sa Norala, South Cotabato nitong Biyernes, Enero 10, 2020.

Ayon sa PNA, P235,000 ang kabuuang handog ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa mga benepisyo at libing ni Jeanelyn, maging sa scholarship ng 11-anyos na kapatid nitong si Akina Marie.

Samantala, $15,000 o P762,000 ang insurance benefit na binigay ng Pioneer Insurance and Surety Corp., na ayon kay Bello ay mandatory requirement ng OWWA membership at Philippine Overseas Employment Administration.

Ayon sa OWWA Region 12, sa ulat ng PNA, unang nagbigay ng tulong-pinansiyal sa pamilya ang recruiter ni Jeanelyn na 5 Star Recruitment and Manpower Corp. at katuwang nilang umasikaso sa pagbabayad ng funeral services at burial package na nagkakahalagang P220,000.

Ililibing ang pinaslang na overseas Filipino worker sa Enero 23.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?