128

Sep 25, 2019 @ 13:09
By

Halos 1K fishkill na bangus kinumpiska

Kulang-kulang 1,000 kilo na bangus na biktima ng fishkill ang nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Dagupan City Police Station (DCPS), City Agricultural Office (CAO) at ng Anti-Hawking Department sa Barangay Bonuan Gueset, Dagupan City noong Martes ng madaling araw.

Ayon kay DCPS deputy commander P/Maj. Rizalino Suarez, nasabat ang halos isang toneladang bangus sa nakalagay sa 25 na banyera ang sinakay sa pampasaherong jeep dakong ala-una ng madaling araw, Setyembre 24, 2019, sa kalsada ng nasabing barangay.

Sinabi ni Suarez, ang mga nasabing fishkill na bangus na nakumpiska ay pag-aari ng isang Evelyn Venancio, residente ng Barangay Baquin, Sual, Pangasinan.

Sa imbestigasyon, ayon kay Venancio, ang kanyang mga bangus ay naglutangan sa fish cage sa Sual kaya sapilitang inahon ang mga ito at binyahe sa siyudad ng Dagupan.

Ngunit sa isinagawang checkpoint ng DCPC, CAO at AHD, napag-alaman na ang mga nasabing isda ay biktima ng fishkill at nangangamoy at malambot na ang mga ito.

“Hindi puwedeng maibenta o ma-consume ng mga mamimili dahil fish kill pala mga ito,” ani Suarez.

Ayon sa CAO, ibebenta sana ni Venancio sa hindi na pinangalanang fish cage operator ang mga isda sa halagang P30 kada kilo.

Nabatid na isang bangus vendor din na taga-Villasis sa nasabing lalawigan ang bibili sana ng mga fishkill na bangus kay Venancio sa halagang P50 at P60 kada kilo, ngunit hindi natuloy dahil nakumpiska ito ng mga awtoridad.

Dito, binaon na ng mga opisyal ang mga bangus sa lupa para hindi na ito mapakinabangan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?