36

By

Guilty verdict sa graft vs ex-PCGG chair Sabio, pinagtibay ng SC

Iginiit ng Korte Suprema na hindi umano saklaw ng anumang ‘immunity from suit’ ang mga alter ego ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kung kaya binasura ng Supreme Court Third Division ang petisyon ni dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) chair Camilo Sabio at pinagtibay ang naunang desisyon ng Sandiganbayan na siya ay guilty sa paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Sa sampung pahinang desisyon na may petsang July 15, 2019 sa pangunguna ni Associate Justice Diosdado Peralta, tinukoy ng Korte Suprema na hindi maaaring gawing depensa ni Sabio ang pagkakaroon ng ‘immunity from suit’ dahil hindi naman saklaw ng nasabing presidential immunity ang mga alter ego ng Pangulo.

“Sabio cannot claim immunity from suit for being an alter ego of the President. It was the PCGG, through Sabio and his Commissioners, not the President, who entered into the subject lease agreements without the requisite public bidding. It will be ridiculous to hold that alter egos of the President are, likewise, immune from suit simply because their acts are considered acts of the President if not repudiated. In fact, the 1987 Constitution is replete with provisions on the constitutional principles of accountability and good governance that should guide a public servant,” bahagi ng SC ruling.

Dahil ang PCGG ay isang government agency, sinabi ng korte na saklaw ito ng Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act na siyang dapat tumalima sa itinatakda ng batas na dapat ay nagsagawa muna ang ahensya ng competitive bidding bago ito pumasok sa lease agreement.

Naniniwala rin ang Korte Suprema na may ‘bad faith’ sa panig ni Sabio nang pumasok ito sa lease contract nang hindi dumadaan sa required procurement process .

Ayon pa sa Korte Suprema, malinaw na binalewala ng petitioner ang batas na naglalayong protektahan ang public fund mula sa iregular o iligal na paggamit.

Nag-ugat ang kaso laban kay Sabio mula sa pinasok na lease agreement ng PCGG sa United Coconut Planters Bank Leasing and Financial Corporation para sa 11 na sasakyan mula 2007 hanggang 2009 na nagkakahalaga ng higit P12 milyon nang walang competitive bidding.

Nauna nang pinatawan ng anti-graft court si Sabio ng pagkabilanggo na hindi bababa sa anim na taon at isang buwan hanggang sampung taon at accessory penalty na perpetual disqualification sa paghawak ng anumang tanggapan o posisyon sa gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?