39

Guiao, NLEX hindi pinangarap masungkit ang top spot

Nitong Oct. 5 sa Dubai, umahon ang NLEX mula 28-point down para itumba ang Ginebra 113-111 sa overtime.

Pagkatapos nu’n, tatlong sunod na panalo pa ang tinuhog ng Road Warriors sa PBA Governors Cup tungo sa 7-1 baraha. Katabla nila ang TNT sa kartada, pero No. 1 ang NLEX sa bisa ng winner-over-the-other rule.

Kabilang ang KaTropa sa inambus ng Road Warriors 126-113 niong Oct. 25.

“We’re right in a position we want to be,” ani coach Yeng Guiao. “We never dreamed, ni sa panaginip ‘di namin akalain na makaka-No. 1 kami at this point in the conference.”

Huling itinumba ng NLEX ang Rain or Shine 111-93 sa Cuneta Astrodome noong Miyerkoles. Naiwan ng 12 sa first quarter ang Road Warriors bago nagising sa second half.

May 12 araw na break ang NLEX bago muling sumalang sa Nov. 10 laban sa defending champion Magnolia.

Bibigyan ni Guiao ng pagkakataon na makapagpahinga ang kanyang squad pero babalik din agad sa practice. Kailangan nilang alagaan ang puwesto para ‘di makahulagpos ang twice-to-beat bonus pagdating ng quarterfinals.

“We will just enjoy the break in the meantime, but alam namin na very fragile ito,” dagdag ng coach. “Alam namin na ‘onting mali mo, puwede ka ulit bumagsak.”

Importante sa Road Warriors na maka-top four pagkatapos ng 11-game eliminations.

“We never dreamed of No. 1, but if it’s there we’ll take it, of course.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?