460
Malacañang walang pake sa bangayang Guanzon-Cardema
By

Guanzon kay Cardema: Ila-libel kita sa buong Pilipinas!

MANILA – Namumuro sa patong-patong na kasong libelo si disqualified Duterte Youth first nominee Ronald Cardema matapos niyang bansagang korap si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon.

Sa isang ambush interview sa Kamara, sinabi ni Guanzon na palilipasin niya lamang ang Kapaskuhan bago niya paliguan ng patong-patong na kaso si Cardema bago ang katapusan ng taon matapos siyang akusahan ng dating National Youth Commission (NYC) chair ng paghingi ng P2 milyon kapalit ng pabor na desisyon para sa ginawa niyang kontrobersyal na substitution sa bisperas ng halalan nitong Mayo 13.

“Ila-libel ko siya sa buong Pilipinas, pero wait lang siya new year para masaya naman Pasko niya. Pero ngayon under oath na ‘yang sinabi niya na corrupt ako kelangan ila-libel ko na siya sa buong Pilipinas,” saad ni Guanzon.

Giit pa na Guanzon, sisiguraduhin niyang sa malalayong dako ng bansa niya sasampahan ng libelo si Cardema at isa umano sa mga naiisip niyang lugar kung saan niya isasampa ang kaso ay sa isla ng Siargao sa Surigao del Norte.

“Kunwari, saan ba puwedeng mag-surfing? Siargao. Oh, file ng kaso sa Siargao para maka-surfing ako on the side after,” pabirong hirit ni Guanzon.

Pero nilinaw ng palaban na Comelec commissioner na seryoso ang mga alegasyon na ibinabato sa kanya ni Cardema na isinulat niya pa sa isang sworn statement sa kanyang isinumiteng Notice of Withdrawal nitong Lunes.

Dapat umanong turuan ng leksyon si Cardema dahil sa kanyang paninira at pang-aalipusta hindi lamang sa kanya, kung hindi sa buong Comelec.

“I am seriously aggrieved by this libelous statement under oath. He should be taught a lesson that he cannot do this to our institution, he cannot do this to a commissioner of elections while his case is pending,” saad ni Guanzon.

Bukod sa kasong libelo, posible ring maharap sa patong-patong na kasong katiwalian si Cardema dahil sa pag-amin na tinangka umano niyang suhulan si Guanzon.

Ayon kay Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, swak sa kasong graft ang pag-amin ni Cardema na siya’y nag-abot ng milyong pisong halaga ng suhol sa isang sugo umano ni Guanzon.

Una nang pinabulaanan ni Guanzon ang akusasyon ni Cardema subalit muling idiniin ng dating NYC chair ang dating Cadiz City mayor sa kanyang isinumiteng Notice of Withdrawal noong Lunes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?