61

By

Grab driver tinepok ng pasaherong nagpa-book

Tinutugis na ng mga awtoridad ang isang pasahero na nakitang huling nagpa-book sa Grab driver na natagpuang patay sa Quezon City noong Nobyembre 30.

Kinilala ni PSSgt. George Caculba, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, ang biktima na si Henrich Villarosa Escudero, 33, Grab driver at residente ng Libra St., Sierrra Vista Subd., Cupang, Antipolo, Rizal.

Ang duguang bangkay ng biktima ay natagpuang nakalugmok sa driver’s seat ng minamanehong Toyota Vios at may tama ng bala ng baril sa likuran ng ulo bandang alas-5:00 ng madaling-araw (November 30).

Batay sa inisyal na imbestigasyon, unang inireport sa QCPD Traffic Sector 3 nitong Disyembre 1 na sumalpok ang minamanehong sasakyan ng Grab driver sa konkretong barrier habang binabaybay nito ang kahabaan ng Katipunan Ave., at nag-U-turn sa harap ng MWSS patungong CP Garcia Avenue sa lungsod.

Agad na isinugod ang biktima sa Quirino Medical Center subalit idineklara itong dead on arrival bandang alas-6:07 ng umaga ni Dra. Gizelle Estrella sanhi ng tama ng bala ng baril sa ulo.

Dito ay agad na ipinagbigay-alam ng QCPD Traffic Sector 3 sa CIDU na hindi dahil sa aksidente o pagkakabangga ng sasakyan ang ikinamatay ng driver kundi binaril ito sa ulo.

Sa pagsisiyasat naman ng CIDU ay nakita nila sa cellphone sa sasakyan ng biktima ang pangalan ng huling pasahero nito sa pamamagitan ng Grab account at Facebook account logged na posibleng suspek sa pagpatay sa driver.

Gayunman, pansamantalang hindi binanggit ng mga awtoridad ang pangalan ng huling pasahero na nagpa-booking sa Grab driver habang tinutugis ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?