2,226
Gordon: Kaya natin ang China
By

Gordon: Kaya natin ang China

Hinimok ni Senador Richard Gordon si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang opisyal ng gobyerno na tumigil na sa pagsasabing hindi kakayanin ng Pilipinas na makipag-giyera sa China.

Ito’y sa kabila ng patuloy na ginagawang pambu-bully ng China sa mga Pilipinong mangingisda sa mga islang sakop ng exclusive economic zone (EEZ) sa West Philippine Sea (WPS).

“Ang advise ko wag mo na sinasabi Mr. President, kasi para tayong walang ibubuga. Kahit papano meron tayo ibubuga. Ayoko lang sinasabi na hindi natin sila kaya, kaya natin yan,” pahayag ni Gordon sa panayam sa dzBB kahapon.

Paulit-ulit umanong sinasabi ni Pangulong Duterte na walang kalaban-laban ang Pilipinas sa oras na magdeklara ng giyera ang China.

Pero giit ni Gordon, malabong magkaroon ng giyera sa pagitan ng dalawang bansa sa kabila ng patuloy na pambu-bully diumano ng mga China sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

“Hindi ako naniniwala sa sinasabi ni Presidente na hindi tayo lalaban. Matapang din yan pero ang gusto niya makakuha ng investment. Hindi maikakaila na nambu-bully sila pero pwede tayo makisama sa kanila pero tuloy-tuloy din ang pakiusap,” ani Gordon.

“Matagal na tayong pinupukpok diyan, nira-ram pero hindi natutuloy sa giyera,” wika pa nito.

Giit pa ni Gordon, kaya namang labanan ng Pilipinas ang China subalit ito’y dadaan sa diplomasya at hindi sa giyera.

“These are not acts of a friend, are you really a friend? Ang tagal na ng samahan, bakit nyo itatapon just because nagmamalaki kayo na ito ay lake namin di makakapasok kahit sino?” ani Gordon.

“Dapat sasabihin natin sa kaibigan natin di makatao ang ginagawa mo. Dapat matuto ang China na kakasahan sila ng Pilipinas, diplomacy. Pero pag umabot sa giyera dyan na papasok ang allies natin,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?