98

By

Gobyerno dehado sa Chevron – DOF

Dinedehado diumano ng Chevron Philippines ang pamahalaan dahil 74 sentimos lamang kada square meter ang bayad nitong renta para sa 120-ektaryang lupa ng National Development Company (NDC) sa Batangas.

Ito ang sinabi ng Department of Finance (DOF) na pinamumunuan ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na nakaupo din sa board ng NDC.

Natuklasan ng DOF ang isang diumanong maanomalyang kontrata ng Chevron Philippines sa NDC kung saan 74 sentimos per square meter lamang ang binabayaran ng multinational company samantalang ang buwanang renta sa lugar ay nasa P17.90 per square meter.

Sabi ng DOF, P10.66 milyon lamang ang binabayarang renta ng Chevron taon-taon sa pamahalaan simula 2010 at kakapiranggot lang ito kumpara sa binabayad na renta sa lugar na nasa P257.76 milyon.

Ginagamit ng Chevron bilang oil import terminal ang 1.2-milyong square meters sa industrial park sa San Pascual, Batangas na pag-aari ng pamahalan.

Sabi ni Dominguez, inirekomenda na ng ilang mga tanggapan sa Privatization Council na i-renew ang kasalukuyang kontrata ng Chevron subalit, sa pagsusuri nito, nakitang dehado ang pamahalaan base sa halaga ng lupa sa kasalukuyan.

Ayon sa DOF, sa loob ng 44 na taong inookupa ng Chevron ang lupa, P146.51 milyon pa lamang ang kabuuang binayad nito sa pamahalaan.

Sa ngayon, nasa P4.9 bilyon hanggang P5.3 bilyon na ang halaga ng lupa na inuupahan ng Chevron na noon ay Caltex ang pangalan.

Unang inupahan ng Chevron/Caltex ang lupa sa San Pascual, Batangas sa bisa ng Letter of Instruction No. 276 na inisyu ng yumao nang dating pangulo na si Ferdinand Marcos.

Ang LOI ay inisyu noon pang 1974. Ang lease ng Caltex ay para sa maximum na 50 taon mula 1975 at magtatapos sa 2025.

Hiningi ng Abante ang panig ng Chevron ngunit hindi ito nagbigay ng pahayag.

Maraming gasolinahan ng Chevron ang binili na ng negosyanteng galing Davao na si Dennis Uy na supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?