317
Gamot sa sakit sa pag-iisip, dapat wala nang VAT - Revilla
Jul 4, 2019 @ 16:41
By

Gamot sa sakit sa pag-iisip, dapat wala nang VAT – Revilla

Naghain si Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. ng panukala para mapababa ang halaga ng gamot para sa mga taong may sakit sa pag-iisip sa pamamagitan ng pagtanggal sa value-added tax (VAT) nito.

Sabi ng senador, isa sa mga dahilan ng mabagal at tuluyang hindi na paggaling ng ilan na may sakit sa pag-iisip ay dahil sobrang taas ng presyo ng gamot para dito bunsod ng ipinapataw na VAT.

Noong 2018 nilagdaan ang Republic Act No. 11036 na mas kilala sa tawag na Mental Health Act na kumikilala sa mental health, na isang tunay na problema at banta sa pagkatao ng marami sa ating bansa.

“Ang pagkakapasa ng batas na ito ay nagpagaan sa ating mga kababayan na makakuha ng abot-kamay na serbisyo para sa mga kababayan nating may sakit sa isip ngunit hindi nito saklaw ang presyo ng gamot,” paliwanag ni Revilla.

“Sa kabila ng pagkakapasa nito ay napakalaki pa rin ng kakulangan para tuluyang matulungan ang isang pasyente na may sakit sa kaisipan,” dagdag pa nito.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang mental illness at mental retardation ay ikatlo at ikaapat na pangkaraniwang kapansanan sa ating bansa sa kasalukuyan.

Sa pag-aaral naman ng Department of Health sa mga empleyado ng gobyerno sa Metro Manila, 32% ng 327 respondents ay nakakaranas ng mental health problem minsan sa kanilang buhay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?